Facebook Profile Picture Guidelines

Maria Ozawa sa Facebook, babaeng William Hung sa totoong buhay.

Sa panahon natin ngayon kung may gustong ipakilala sayo, anong unang gagawin mo? Hanapin siya sa Facebook diba? Hindi na uso blind date ngayon na totally wala kang idea sa papakilala sayo. Delikado yun e. Pano kung sobrang excited ka, bumili ka pa ng bagong polo, nag ahit ka pa ng bigote, tapos pag dating mo dun mukha pala siyang babaeng version ni Bonel Balingit?

Badtrip diba? Maski sa trabaho pag may aplikanteng nag submit ng résumé tinitingnan rin ng HR yung Facebook profile nung tao para magkaron ng idea sa personality at itsura niya. Kaya yang pictures mo sa Boracay na lasing ka at may hawak na Red Horse tapos naka-dirty finger sa camera? Patay ka diyan.

By the end of 2012, inaasahang aabot sa isang bilyon ang total number of Facebook users sa mundo. Ang ibig sabihin niyan 1 in every 7 na tao sa planet Earth ay may Facebook account. Walang duda, napaka-laking bagay na ginagampanan ng profile pictures natin sa mundo ng social networking. Yan ang unang nakikita ng kahit sino sa isang bilyong tao na titingin sa Facebook profile mo e. Kaya natural lang na pag dating sa profile picture, lagi mong prinepresenta ang pinakamagandang anggulo mo.

Ang problema diyan nakakalinlang e. Naglolokohan lang tayong lahat. Yung pangit gumaganda sa profile picture. Yung mataba, sumesexy. Yung payat, tumataba. Itigil na natin ang lokohan! Dapat magkaron na tayo ng rules sa pag popost ng profile pictures. At bilang di naman natin maaasahan si Mark Zuckerberg na gawin yan, sige na ako na ang gagawa.

Basically, ito lang naman ang gusto kong mangyari sa profile pictures natin sa Facebook:

1. Pag may boyfriend o girlfriend, isama na sa profile picture!

Kapag may boyfriend o girlfriend kayo, isama niyo na sila sa profile pictures niyo. Bakit? Para yung mga mangchecheck-out sa inyo sa Facebook alam kaagad na taken na kayo! Tulong na lang sa mga singles yan na naghahanap ng maaaswang sa Facebook e. Huwag niyo nang paasahin kung di naman kayo single! Susuyurin pa nila yung 1,213 friends ng kaibigan nila sa Facebook para i-check out ka lang tapos malalaman nila taken ka na rin naman pala? Gawin nating madali para sa lahat. At least pag taken ka na, sa maliit na picture pa lang alam na. Wala nang aasa at masasaktan! Mag-bibikini picture ka pa sa profile pic e may boyfriend ka naman pala. Tama ba yun? Pina-excite mo lang yung mga manyakis e! Wag paasa!

Speaking of bikini pictures…

2. Sa mga babae, wag mag post ng bikini pictures kung walang karapatan!

Matagal ko nang natanggap yung katotohanang hindi ko kasing katawan si Marc Nelson. Kahawig pa siguro oo pero katawan hindi e. (Wag ka na kumontra!) Kaya hindi mo ko makikitang naka-sando or naka-topless sa profile picture ko. Kaya sana naman yung mag popost lang ng bikini picture kung may karapatan! Kung hindi naman, e wag mo nang ibahagi sa mundo yan sarilihin mo na lang yan! Mag pasintabi naman sa mga kumakain!

3. Sa mga lalake, wag na kayong mag post ng picture na nakahubad kayo!

Alam ko pinaghirapan niyo yang mga katawan niyo kakabuhat ng kung ano anong pabigat sa gym. Pero seryoso lang, kahit gaano pa kaganda ang katawan mo, wala namang gustong makakita niyan e. Kaya wag na sanang mag post ng pictures na naka-flex at nakahubad. Ano bang maitutulong sa pagkatao ko kung makita ko yung buhok mo sa kili-kili? Giginhawa ba ang buhay ng nakakarami kung makita nila yung nagagalit mong mga utong?!

4. Wag gumamit ng group picture bilang profile picture!

Marami diyan gumagamit ng mga profile pictures na magkakasama sila ng mga kaibigan nila. Tapos pag tumingin sa Facebook profile niya ang hindi niya kakilala iisipin siya yung sexy na naka-black na nasa gitna ng picture yun pala siya yung mahaba ang baba na tinutulak na ng mga kasama niya palabas ng frame. Wag na tayong maglokohan diba? Gumamit na lang ng profile picture na mag-isa ka lang para di na mag-isip yung tumitingin kung sino ka dun. Kung maganda ka, good for you. Kung hindi ka kagandahan o kagwapuhan, e pasensya na sadyang malupit lang talaga ang mundo.

5. Wag gamitin ang pinaka-okay nating litrato bilang profile picture!

Unless wala kang pakialam sa iisipin ng ibang tao sa itsura mo o talagang wala ka nang pag-asa dahil pangit ka lang talaga, lahat ng tao ginagamit ang pinaka-matino nilang litrato bilang profile picture. Yung iba diyan finifilter muna sa Instagram o kaya ineedit sa Photoshop ng konte. Pwedeng magbabawas ng konting bilbil, magpalaki ng boobs, o magtatanggal ng tigidig sa mukha kunwari. Yung iba naman dadaanin sa tamang anggulo para matago yung double chin o yung mataba nilang pisngi. Tigilan na natin to! Naglolokohan lang tayo e! Gamitin na natin yung mga totoong itsura natin!

Alam mo yung itsura mo pag bagong gising? Yung itsura pa lang alam mo nang amoy panis na laway ang hininga tapos may mga muta muta pa? Yung itsurang mukhang nag suka buong gabi kase uminom ng walong bote ng Red Horse? Ganun dapat ang profile pictures nating lahat para patas ang laban! Kailangan nating makita ang isa’t-isa at our worst para magkaalaman kung sino talaga ang gwapo at maganda.

Siyempre si Anne Curtis pa rin. Kahit pa tuluan siya ng uhog sa ilong siya pa rin e.

Gagandahan mo yung profile picture mo tapos di ka naman ganun sa personal. Pag sinetup ka sa kung sino man edi nag-eexpect siya na maganda o gwapo ka diba? Hindi niya alam mukha ka palang talakitok. Tama ba yun? Walang linlangan! Tama na! Sobra na! Palitan na! Palitan na ang mga profile pictures natin sa Facebook!

Pero mauna na kayo. Hahanap muna ako ng okay na picture ko.

Follow me on Twitter and boost my self-esteem @reypinmoko