Panday ng Ina Mo, Enteng

Taon-taon sa huling linggo ng December ay naglalahong parang bula ang mga Hollywood movies sa mga sinehan at napapalitan ng mga pelikulang Pinoy. Para sa mga hindi nanunuod ng mga Pinoy movies, ito ang pinakamasaklap na linggo sa buong taon ng panunuod ng sine.

(Para sakin, pinakamasaklap pa rin nung nagkaron ng isang linggo na Breaking Dawn lang ang palabas sa lahat ng sinehan sa buong Pilipinas. At malamang mangyayari ulit ang trahedyang ito kapag pinalabas na ang Breaking Dawn 2. Para narin nilang ipinagbawal ang mga lalake sa mga sinehan tuwing ginagawa nila yan. Sana magkaron ng isang buong linggo na The Expendables 2 lang ang palabas. Makaganti lang)

Gaya nga ng sinasabi ng mga kabataan ngayon: FML.

Pero bakit nga ba may MMFF? Ginagawa ito dahil buong taong bugbog sarado ang mga pelikulang Pinoy sa mga Hollywood films. Nung 1970-80s sa panahon ng mga tanyag na direktor tulad nila Lino Brocka at Ishmael Bernal, nasa 300 ang pinapalabas na pelikulang Pinoy sa mga sinehan. Nung 2011? 24 na lang. Kung wala ang MMFF, puro pelikula na lang ni John Lloyd at ni Budoy ang mapapanuod mo. Kaya tuwing panahon na ng Metro Manila Film Festival, pwersahan ang labanan.

Gaya ko, siguro gusto mong manuod ng isa sa mga pelikula sa MMFF. Pero tulad ko, hindi mo rin alam kung anong papanuorin. Kaya para sa mga hindi makapili ng papanuorin, hayaan nyong maging gabay ang film reviews na gagawin ko. Ang film reviews ng isang taong wala pang napapanuod na pelikula sa MMFF. Bakit kamo? Aba mahal na ang bayad sa sine ngayon ah. Hindi pwedeng magkamali sa pagpili!

Simulan natin sa:

Enteng ng Ina Mo

Nung una kong narinig na may ganitong pelikula ang una kong naisip ay, “Nampucha naman, wala na ba silang ibang maisip?!” Sigurado ako hindi lang ako ang nag-isip nun. Pero alam mo ba kung anong highest-grossing film sa MMFF ngayon so far? Enteng ng Ina Mo. Nandiri-diri pa tayo nung una sa idea pero kaputok-putok papanuorin rin pala natin. Last year, ang top-grossing local film ay Ang Tanging Ina Mo na may 147 million. Ang pangalawa? Si Agimat at si Enteng with 145 million. Akala mo lang hindi nag-iisip ang mga gumawa ng pelikulang to pero sa totoo lang, sila ang magaling e. With 91 million so far, siya ang pinakamalaki ang kinita sa MMFF. Pumapangalawa lang ang Panday 2 with 51 million. Last year 2 million lang ang agwat ng 1st and 2nd. Ngayon 40 million na. Sa nakaisip ng Enteng ng Ina Mo, humihingi ako ng paumanhin. Nakakadiri ka pero ang galing mo.

At dahil kumita ang pelikulang to, asahan niyo na magkakaron ng isa sa mga pelikulang to sa mga susunod na MMFF: Enteng ng Ina Mo Rin; Enteng ng Ina Nating Lahat; Mano Po, Enteng; Enteng ng Ina Mo, Panday. (Bakit hindi niyo pa pagsamahin yung tatlo diba?)

(Maraming nag react violently nung nalaman nilang may relasyon si Vic Sotto at Pauleen Luna. Ang tanda na daw ni Vic para kay Pauleen Luna. Pero alam mo kung anong mas kontrobersyal kung nagkataon? Kung naging si Vic Sotto at Aiza Seguerra. Ngayon naniniwala na ko sa kasabihang “everything happens for a reason.” Nagpapasalamat ako na naging lesbiana si Aiza. Hindi ata kaya ng sikmura ko kung naging sila ni Vic Sotto)

Ang Panday 2

Two weeks ago lang ang working title nitong pelikulang to ayon sa ClicktheCity ay Ang Panday 2: Ikalawang Yugto. Sa awa ng diyos may nakaisip siguro sa kanila at sinabing, “Teka… Ang Panday 2: Ikalawang Yugto? Parang mali ah. Hindi ba redundant yun?” kasi pinalitan nila yung title. Buti na lang, kasi para kang nagpangalan ng pelikulang “Harry Potter 2: Book 2” Medyo tanga pakinggan diba?

Sa trailer ko pa lang napapanuod to at aaminin ko nabilib ako sa graphics. Parang pinaghalong Lord of the Rings, Eragon, at Clash of the Titans ang itsura. Pero tutal gagastos na lang rin sila sa CGI, hindi ba nila puwedeng ayusin ang make-up ni Philip Salvador? Mukha siyang Ronald McDonald na kumain ng adobong pusit e.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit taon taon may pelikula tong si Bong Revilla. Hindi ka ba busy sa pagiging senador? Hindi ba full-time job yan? Ewan ko ha, pero kung sakin lang kung senador ka na, tigilan mo na yung ibang trabaho mo. Malaking katungkulin yan. Umaasa sayo ang bayan. Hindi mo ba igugugol ang lahat ng oras mo sa trabaho mo kung may ganyan kang klaseng responsibilidad? Bakit nakikipag-espadahan ka pa kay Ronald McDonald?

Shake, Rattle, and Roll 13

Shake, Rattle, and Roll 13. 13. Trese. Hanggang anong numero kaya sila aabot? Habang nag bbrainstorm sila para sa mga pelikulang isasali nila sa MMFF wala bang nagsasabi na, “Teka, nakaka-12 na Shake, Rattle, and Roll na tayo baka nagsasawa na ang mga tao. Ibahin naman kaya natin?” Kung meron man tingin ko may sasagot ng, “Pare naman, nakakatamad e! Okay na yan, Shake, Rattle, and Roll na lang ulit! Pag-iisipin mo pa ko ng bagong title e!”

At bakit parang nasa background ng poster nila si Ronald McDonald na kumain ng adobong pusit? Wala na bang image na puwedeng ilagay? Nagtitipid?

(Naniniwala ako na isa si Maricar Reyes sa mga pinakamagandang artista sa pelikulang Pilipino ngayon. Kaya ayokong panuorin tong pelikulang to. Tingin ko masisira lang ang mga paniniwala ko sa buhay e. Sa poster pa lang tumutulo na ang uhog ni Maricar Reyes e. Sisirain niyo si Maricar Reyes para sakin! Hindi ako makakapayag! Hindi siya nasira sakin nung lumabas ang sex tape niya at ng nag suot siya ng wig na nag mukhang may patay na Shih Tzu sa ulo niya para sa pelikulang Miss You Like Crazy. Pero ibang usapan na pag may mga tumutulo nang uhog!)

Segunda Mano

Hindi ko alam kung anong gustong sabihin ng poster ng pelikulang to. Nagpahiran ba sila ng lipstick sa mukha? Naaksidente ba sila at nauntog si Kris Aquino? Nagsampalan ba sila ng gamit na napkin? Hindi ko talaga alam.

Hindi ko rin alam kung bakit ka manunuod ng pelikulang si Kris Aquino ng bida. Nanunuod ka ba ng pelikula dahil gusto mo talagang makakita ng bad acting? Pinaparusahan mo ba ang sarili mo? Hindi ko maintindihan.

(Kung napanuod mo na ang Segunda Mano, huhulaan ko na iisa lang ang expression ni Kris Aquino sa pelikulang yan. Yung “constipated” look. Parang hindi matae na hindi mo maintindihan. Sa poster pa lang ganun na ang expression niya e. Nagugulat ako na wala pang lumalapit sa kanya para maging endorser ng Diatabs o Imodium)

My Househusband

Sa pelikulang to, gumaganap sila Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo bilang mag-asawang may marital problem. Soooo… anong pinagkaiba niyan sa Kasal, Kasali, Kasalo at Sakal, Sakali, Saklolo? Talagang taon taon na lang ang roles nila ay mag asawang may marital problem? Hindi ba sila pwedeng maging mag asawang minumulto ng antique na aparador? Hindi ba sila pwedeng maging mag asawang nakilala ni Enteng? Hindi ba sila puwedeng maging mag asawang kinakalaban ni Panday? Kung tuwing Pasko ka lang manunuod ng pelikulang Pilipino, iisipin mo siguro na ang mga artista lang sa Pilipinas ay sila Vic Sotto, Bong Revilla, Ai-Ai de las Alas, Eugene Domingo at ang mag asawang Juday at Ryan.

(Speaking of Eugene Domingo, it’s worth mentioning na tatlo ang pelikula niya sa MMFF. Ibig sabihin sa 7 pelikula na puwede mong panuorin, kalahati dun mapapanuod mo si Eugene Domingo. Bakit? Mabenta kasi si Eugene Domingo e. Magaling na aktres na puwede sa comedy, drama, o horror. Ewan ko lang kung kaya niya mag action. Nasa Asiong Salonga ba siya? Hindi naman siguro siya gumugulong gulong dun at nakikipagbarilan noh? Hindi ako magugulat kung andun din siya. Pero magtataka ka kung bakit siya na lang lagi. Wala na bang ibang artistang versatile ngayon sa showbiz? Baka pagtagal ma-umay na ang mga tao dahil halos lahat na lang ng pelikula andun si Eugene Domingo)

Yesterday, Today, Tomorrow

So far sa ticket sales, ang Yesterday, Today, Tomorrow daw ang pinakakulelat. Naghahabulan lang sila ng Asiong Salonga. Alam mo kung bakit? Kasi drama to e. Walang gustong nalulungkot kapag Pasko. At kadalasan pag Pasko, kasama mo ang buong pamilya para manuod ng sine. Kasama mo ang mga bata. Ngayon isasama mo ba ang mga anak mo para panuorin si Maricel Soriano at si Gabby Concepcion na nagbabatuhan ng paso at baso? Hindi pa ba sapat na nakikita nila sa bahay yun? Pero siyempre, kailangan rin ng mga pelikulang ganito. Hindi naman puwedeng puro Enteng Kabisote at Panday lang ang mga pelikulang pinapalabas sa MMFF. Siyempre merong “obligatory drama movie” for variety. Parang kung ano ang Mano Po noon sa mga nakaraang film festivals.

(Nakakalungkot mang aminin pero hindi sapat ang mahahabang legs ni Solenn Heussaff para ibenta tong pelikulang to. Nakakalungkot kase kung hindi ka manunuod ng pelikula dahil sa legs ni Solenn Heussaff, bakit ka pa ba manunuod?! Kung magkaron ng pelikula kung saan hinahanap ni Enteng ang mahiwagang legs ni Solenn Heussaff, hindi mo ba papanuorin? Mukhang wala siyang sense na pelikula pero limang ulit ko siguro siyang papanuorin)

Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga

Sa lahat ng pelikula sa MMFF, ito ang pinakahinahangaan ng mga critics. Sa katunayan, ito ang nanalo ng Best Picture para sa MMFF 2011. Binigyan rin to ng A rating ng MTRCB. Sa mga hindi nakakaalam, malaking bagay ang mabigyan ng A rating dahil malaki ang subsidy na binibigay sa mga pelikulang ito. Isang incentive ito ng MTRCB para gumawa ang mga Pilipino ng mga kalidad na pelikula. Sa lahat ng mga pelikula sa MMFF, ito ang pinakamalamang kong papanuorin. Maraming viewers ang nagsasabi na maganda daw ito. May mangilan-ngilan rin namang film reviews na nagpapatotoo nito, may mga kapintasan nga lang daw.

Alam mo anong pumipigil saking panoorin to? Si Jeorge Estregan. Hindi ko alam kung kaya kong panuorin si Jeorge Estregan ng dalawang oras e. Hindi ko alam kung kaya kong sikmuraing makita siyang hinahalikan si Carla Abellana. Una sa lahat, bakit ba kasi kailangang siya ang bida? Well, siya kasi ang producer. Pero hindi sapat na rason yun e! Bakit kailangang siya ang bida? Hindi ba puwedeng si Robin Padilla na lang? O kahit si Cesar Montano. Yung action star sana na kapanipaniwala na action star. Hindi yung mukhang hihingalin pag nakipaghabulan sa mga pulis.

At kung parehas tayo ng kinalakihang kabataan, malamang kilala niyo si Jeorge (George, Jorge, ang daming spelling ng pangalan akala mo si Gadhafi) bilang si Sputnik sa mga pelikula ni Bong Revilla. Siya yung naka-Mohawk na laging labas ang dila na inuupakan ni Bong Revilla. Kahit maging governor pa siya, kahit maging presidente pa siya ng Pilipinas, kahit tawagin pa niyang E.R. Ejercito ang sarili niya, siya pa rin si Sputnik para sakin.

So nakapili ka na ba ng papanuorin? Hindi pa rin? Kung hindi pa wag kang mag-alala, abangan mo na lang yung susunod na MMFF. Nabalitaan mo na ba ang line-up sa susunod na MMFF? Eto sila:

Enteng ng Ina Mo Rin

Ang Panday 3: Ikatlong Yugto

Shake, Rattle, and Roll 14

Random Kris Aquino Horror Movie

Budoy: The Movie

Emilio Aguinaldo (starring Jeorge Estregan Jr.)

Praybeyt KimmyDora (starring Eugene Domingo and Vice Ganda)

Juday-Ryan Film Kung Saan May Marital Problem Sila Ulit

Obviously hula ko lang yan. Pero pustahan tayo kalahati diyan tama. Alam ko lahat tayo gusto ng mas mataas na kalidad ng pelikula tuwing MMFF. Pero sa totoo lang, hindi naman porke’t hindi pang Best Foreign Film award sa Academy Awards ang mga pelikulang ito ang ibig sabihin ay hindi na sila dapat panuorin. May rason kung bakit gumagawa tayo ng mga pelikulang ganyan. Ginagawa natin ang mga pelikulang yan kase may tumatangkilik. Kase minsan, gusto lang natin mag relax at matawa sa mga jokes ni Vic Sotto. Dahil gusto nating makita si Judy Ann at Ryan na nag-aaway kung sinong maglalaba. Dahil kahit mukhang laging may LBM si Kris Aquino, gusto nating magulat at matakot sa mga multong humahabol sa kanya. At sa totoo lang, walang masama dun. Walang masama na minsan sa isang taon ay tangkilikin natin ang sariling atin.

Tutal kung kaya mong sikmurain ang Twilight, bakit hindi si Kris Aquino?


7 Comments on “Panday ng Ina Mo, Enteng”

  1. alvintang says:

    I’m actually surprised na di ka pa nanunuod ng asiong salonga.

  2. haselsamasel says:

    Yung Asiong Salonga, hindi maganda pero kailangan mong panoorin! Matutuwa ka pa rin.

  3. Superduperinlove says:

    Honestly wala tlagang maganda nitong nkaraang MMFF kaya Asiong na lang pinanood namen. At puro pa kami babae. Hehe pero mganda naman. Medyo d lang maganda dahil black and white. Pero ok na din. Angas eh.

    • reypinmoko says:

      on the contrary tingin ko gumanda siya dahil black and white. kung ginawa mong colored yun magiging katawa-tawa kase mahihirapan silang gawing luma yung setting. imagine mo na colored mong makikita yung mukha ni jorge estregan. sagwa diba?


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s